Suportado ni Rep. Leila de Lima ang pagsuko ng mga complainant sa kanilang karapatang maghain ng reply sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte, dahil hindi umano nasagot ng bise presidente ang mga pangunahing alegasyon.
Sa pagdinig ng House Committee on Justice, sinabi ni De Lima na matapos ang masusing pagsusuri, lumabas na hindi direktang tinugunan ng sagot ng kampo ni Duterte ang mga paratang, kaya’t wala nang dapat sagutin ang mga nagreklamo.
Binatikos din ni De Lima ang sagot ng bise presidente dahil inuulit nito ang mga isyung napagdesisyunan na ng komite at nagpapakita ng kalituhan sa pagitan ng pangunahing katotohanan at ebidensya.
Kabilang sa anim na batayan ng reklamo ang umano’y maling paggamit ng confidential funds, katiwalian sa Department of Education, planong pagpatay sa Pangulo at iba pang opisyal, hindi maipaliwanag na yaman, at mga gawaing may layuning destabilisasyon.
Ani De Lima, hindi nasagot ang mga isyu tulad ng pagbabanta, paggamit ng pondo, audit findings, at hindi kumpletong SALN, kaya nanindigan siyang dapat nang magpatuloy ang komite sa pagtalakay kung uusad ang impeachment case.












