Tiwala ang isang constitutional law expert na magiging epektibo ang Bantay Senado sa pagpuna sa mali o ano mang ginagawa ng mataas na kapulungan ng Kongreso.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Atty. Michael Henry Yusingco, binigyang-diin nito na pawang mga high profile na miyembro ng lipunang sibil ang kasapi ng nasabing pangkat. Idinagdag din niya ang kakayahan nitong mamuna sa pamamagitan ng social media at sa larangan ng organisasyon.
Subalit aniya, ibang usapan na kung magdudulot ba ng pagbabago sa sistema ng mga senador ang magiging gampanin ng Bantay Senado. Iginiit ni Yusingco na walang mangyayaring pagbabago kung pare-pareho lamang ang inihahalal ng mamamayan sa puwesto.
Mariin niyang sinabi na kailangang paigtingin ng grupo ang pananagot sa mga pulitiko. Dapat din umano itong tumututok at hindi matulog hindi lamang sa panahon ng eleksyon kundi bago at pagkatapos nito—o sa gitna ng panunugkulan ng mga bagong halal sa pamahalaan.
Itinuturo ni Yusingco na kadalasang nakalulusot ang mga pulitiko kapag naiboto na sila ng taumbayan, na nagsisilbi umanong butas kung saan kadalasang nangyayari ang kanilang “magic.”
Nanawagan naman ito sa publiko na dapat mas maging gising hindi lamang sa mga pangyayari saSenado, kung hindi pati na sa pagganap ng Malakanyang at iba pang institusyon ng mga tungkulin nito.
Matatandaang binuo ang Bantay Senado upang punahin ang Mataas na Kapulungan na gampanan nito ang kanilang mga tungkulin matapos maantala ang mga sesyon at operasyon nito dahil sa sunod-sunod na tensyon sa pagitan ng mayorya at minorya.
Isa sa mga pinapangambahang maantala dahil dito ang impeachment kontra kay Vice President Sara Duterte.














