NAGA CITY – Walang awang pinagbabaril-patay nang hindi pa nakikilalang suspek ang isang retired CAFGU sa Sitio 5, Brgy. Baya, Ragay, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na si Rudy Buenaobra, 35-anyos, residente ng Brgy. Binahan Proper, sa nasabing bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Si PMaj. Ryan Bagasala, Officer-in-charge sa Ragay Municipal Police Station, sinabi nito na habang sakay ng kaniyang tricycle ang biktima kasama ang kaniyang asawa patungo sana sa Sitio 7, Brgy. Baya, Ragay, sa nasabing lalawigan upang magtinda ng ice cramble ng harangin ang mga ito ng tinatayang nasa 7 hindi pa nakikilalang mga suspek na may bitbit na mahahabang klase ng baril.

Dito na umano tinanong ng mga suspek ang mga biktima na kung kasapi ba ang mga ito ng tropa ng pamahalaan na sinagot naman umano nito ng hindi. Ngunit sa hindi malamang dahilan ay bigla na lamang itong binaril ng mga suspek sa ulo ng dalawang beses.

Samantala, wala namang tinamong sugat saan man na bahagi ng kaniyang katawan ang asawa ng biktima at tanging si Buenaobra lamang ang tinarget ng mga suspek.

Pinaniniwalaan naman ng mga awtoridad na posibleng ang dating trabaho ni Buenaobra ang naging motibo sa nasabing krimen at posibleng mga kasapi ng rebeldeng grupo ang mga suspek.

Sa ngayon, pakiusap na lamang ni Bagasala sa mga residente na kung may napapansin silang presensya ng mga makakaliwang grupo sa kanilang komunidad ay agad itong ipagbigay alam sa mga awtoridad upang agad itong maaksyunan at maiwasan ang mga ganitong klase ng insidente.