Patuloy ang panalangin ng kampo ni Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. habang hinihintay ang desisyon ng Sandiganbayan sa kanyang petition for bail kaugnay ng kasong malversation at graft na may kinalaman sa P92.8-milyong flood control project sa Pandi, Bulacan.
Ayon sa abogado ng senador na si Atty. Reody Balisi, “maghihintay na lamang at patuloy na magdarasal” ang kanilang kampo habang inaabangan ang magiging pasya ng Sandiganbayan sa bail petition na inihain ni Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. at iba pa niyang kapwa akusado.
Ang malversation case laban kay Revilla ay nakabinbin sa Third Division ng Sandiganbayan, habang ang kasong graft ay nililitis naman sa Fourth Division, kasama ang anim na iba pang akusado.
Ayon kay Sandiganbayan Fourth Division chairperson at Associate Justice Karl Miranda, layunin ng hukuman na maresolba ang bail petition bago o sa Mayo 6, 2026, o 30 araw mula nang magsimula ang bail hearing.
Sa ilalim ng proseso, sakaling aprubahan ang petisyon, magtatakda ang Sandiganbayan ng bail amount para sa pansamantalang kalayaan ng mga akusado habang dinidinig ang kaso. Kapag naman ibinasura, mananatili silang nakakulong sa New Quezon City Jail para sa mga lalaki at Camp Karingal sa Quezon City para sa mga babae.
Isa lamang sa mga akusado sa malversation case ang hindi naghain ng bail petition—si dating DPWH Bulacan First District Engineering Office Engineer JP Mendoza.
Sa pagdinig at on-site inspection ng Sandiganbayan noong Abril 15, sinabi ng prosecution witness na si Kenneth Fernando, officer-in-charge ng DPWH Bulacan First District Engineering Office, na walang nakikitang istruktura sa P92.8-milyong proyekto.
Ayon sa prosekusyon, “definitely, there is no structure there,” at posibleng matagal nang nailagay ang ilang materyales dahil kalawangin na ang mga ito at tinutubuan na ng mga halaman ang lugar.
Giit pa ng Ombudsman prosecutors, nabayaran na ng gobyerno ang contractor na Syms Construction ng hanggang P75 milyon kahit walang aktuwal na istruktura sa proyekto.













