Ikinatuwa ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang ipinatupad na rollback sa presyo ng langis na inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na inaasahang magbibigay ng agarang ginhawa sa publiko at makatutulong sa pagpigil ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Ayon kay Speaker Dy, ang bawas-presyo na P20.89 sa diesel, P4.43 sa gasolina, at P8.50 sa kerosene ay inaasahang magpapagaan sa gastusin sa transportasyon, agrikultura, at logistics.
Binigyang-diin ng lider ng Kamara na mahalaga ang koordinasyon ng ehekutibo at lehislatura upang masigurong maramdaman ng mga pamilyang Pilipino ang benepisyo ng naturang hakbang, lalo na sa presyo ng pagkain at mga pangunahing bilihin.
“Kailangan tuluy-tuloy ang aksyon. Kapag may mga positibong hakbang ang Executive, dapat masundan ito ng mga panukala na magpapatatag ng supply chains, magpapababa ng logistics costs, at magpoprotekta sa consumers,” pahayag ni Speaker Dy.
Dagdag pa niya, patuloy ang aksyon ng Kamara sa pamamagitan ng LEAD hearings at panukalang KALINGA bill upang mapanatili ang mababang gastos at maprotektahan ang mga konsyumer.
Ayon pa sa kanya, mahalaga ang sabayang pagkilos ng dalawang sangay ng pamahalaan upang masigurong pangmatagalan ang benepisyo ng mga ipinatutupad na hakbang.
“This is exactly the approach we need, tuluy-tuloy ang trabaho at sama-sama ang pagkilos. The Executive works to provide immediate relief, and the Legislature works through the LEAD hearings and the KALINGA bill to institutionalize solutions so the benefits last longer and reach more of our kababayan,” dagdag ni Speaker Dy.













