Iginiit ng tagapagsalita ni Leyte Representative Ferdinand Martin Romualdez na walang anumang ebidensyang nag-uugnay sa mambabatas sa umano’y anomalya sa mga flood control project.
Ayon kay Atty. Elaine Atienza, walang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang nagturo o nagpatunay na si Romualdez ay may kinalaman sa pagpaplano, bidding, implementasyon, inspeksyon, pagbabayad, o pagpapalabas ng pondo para sa mga sinasabing ghost flood control project.
Binigyang-diin ni Atienza na ang mga prosesong may kaugnayan sa pagpapatupad ng mga proyekto sa imprastraktura ay nasa ilalim ng mandato ng mga kaukulang ahensya ng pamahalaan at dumaraan sa mga itinakdang legal at administratibong proseso.
Ipinaliwanag din niya na ang pagbuo at pagpapatupad ng pambansang badyet ay hindi kontrolado ng iisang opisyal, kabilang ang Speaker ng House of Representatives. Aniya, ang national budget ay dumaraan sa masusing deliberasyon ng Kongreso at nangangailangan ng pag-apruba ng parehong kapulungan bago ito lagdaan ng Pangulo upang maging ganap na batas.
Kasunod nito, nanindigan ang kampo ni Romualdez na walang batayan ang mga pagtatangkang iugnay ang House Speaker sa umano’y iregularidad sa flood control projects. Iginiit nilang walang dokumento o testimonya mula sa mga opisyal ng DPWH na magpapatunay sa alegasyon laban sa mambabatas.














