Nagsumite na ng counter-affidavit si Senador Francis “Chiz” Escudero sa Office of the Ombudsman bilang tugon sa mga alegasyong nag-uugnay sa kanya sa umano’y flood control kickback scheme.
Nauna nang inanunsiyo ng Office of the Ombudsman na umusad na sa fact-finding stage at preliminary investigation ang plunder at graft complaints laban sa senador kaugnay ng kontrobersiyal na flood control projects.
Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, nakasalalay sa magiging resulta ng imbestigasyon kung ibabasura ang reklamo o irerekomenda ang pagsasampa ng kaso sa Sandiganbayan.
Matatandaang naglabas din ang Sandiganbayan Sixth Division ng precautionary hold departure order laban kay Escudero upang pigilan itong makaalis ng bansa habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Nadawit ang pangalan ng senador matapos ang testimonya ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee hinggil sa umano’y multi-bilyong flood control anomaly.
Ayon kay Bernardo, may umano’y 20 porsiyentong “commitment fee” si Escudero mula sa P1.4 bilyong halaga ng mga proyekto sa Valenzuela, Marinduque, Oriental Mindoro, at Quezon City. Inihayag din nito na personal umano siyang naghatid ng P160 milyon at isa pang P120 milyon sa senador noong 2025.
Gayunman, mariing itinanggi ni Escudero ang mga alegasyon at iginiit na bahagi lamang ito ng isang demolition job laban sa kanya.














