Lubhang nabahala si Senador Sherwin Gatchalian sa tuloy-tuloy na insidente ng hazing sa bansa kahit na may umiiral na Anti-Hazing Act of 2018 (RA 11053), kasunod ng pagkamatay ng 19-anyos na maritime student na si Kenneth Alcedo.

Si Alcedo ay namatay dahil sa mga sugat na natamo sa umano’y hazing, at ilan sa mga kasapi ng Tau Gamma Phi, ang fraternity na naiuugnay sa insidente, ay sumuko na sa mga awtoridad.

Dahil sa patuloy na kaso ng hazing, isinusulong ni Gatchalian ang masusing pagrepaso sa pagpapatupad ng batas, kabilang ang pagsusuri sa mga insidente sa mga government institutions tulad ng Philippine National Police Academy (PNPA) at Philippine Military Academy (PMA).

Aniya, “Nakakalungkot isiping nangyayari ang hazing sa loob mismo ng sarili nating mga government institutions na dapat ay nagsisilbing mabuting halimbawa. Kung ang sarili nating mga institusyon ay lumalabag sa sariling batas, malaki ang problema.”

Advertisement

Dagdag pa niya, “Tingin ko kailangan din nating tutukan ang ating mga institusyon sa gobyerno. Hindi dapat nangyayari ito sa mga institusyong pinagkatiwalaan nating ipatupad ang batas laban sa hazing.”

Advertisement