Napilitan si Senador Imee Marcos na bawiin ang ipinakitang video presentation sa plenary session ng Senado nitong Lunes, Mayo 25, 2026, matapos kuwestiyunin at tawaging “fake news” ng ilang senador ang nilalaman nito kaugnay ng umano’y planong Charter Change na may kaugnayan sa Halalan 2028.
Sa naturang sesyon, ipinakita ni Marcos ang video na naglalaman ng mga alegasyon laban sa ilang senador na umano’y nagsusulong ng Charter Change o Cha-Cha upang hindi matuloy ang eleksyon sa 2028.
Agad namang pinabulaanan ng mga miyembro ng minority bloc ang presentasyon at tinawag itong malisyoso at walang basehan.
Mariing tumutol si Senador Migz Zubiri sa ipinakitang video at iginiit na hindi dapat idamay ang ibang senador sa naturang mga alegasyon.
Matapos ang mainit na palitan ng opinyon sa plenaryo, binawi ni Marcos ang kanyang ipinakitang materyal at inihayag na nasaktan siya sa naging reaksyon ng ilan niyang kasamahan sa Senado.
“Nakaka-offend din kasi yung mga sinasabi ng ilang senador tungkol sa akin na sadyang sinungaling… lahat ng lumalabas sa bibig ko ay all BS, outright lies,” ani Marcos.
Binanggit din ng senadora ang umano’y mga pahayag laban sa kanya na nagsasabing dapat siyang ipasok sa isang mental institution.
Sa kabila nito, muling iginiit ni Marcos ang kanyang panawagan na tiyaking walang magaganap na term extension at matutuloy ang Halalan 2028.
“Kapalit niyan, ipangako natin lahat sa ating taumbayan na walang term extension na mangyayari at may eleksyon sa 2028,” dagdag pa niya.
Agad namang sumang-ayon si Zubiri at sinabing lahat ng senador ay nais na matuloy ang eleksyon sa 2028.














