Kampante si Senate Committee on Foreign Relations Chairperson Imee Marcos sa katatagan ng bagong 13-member majority bloc sa Senado, mahigit isang linggo matapos itong mabuo kasunod ng pagbabago sa liderato ng mataas na kapulungan.
Sa isang panayam, sinabi ni Senadora Marcos na nananatiling solid at buo ang hanay ng majority bloc, sa kabila ng mga ulat na may mga pagtatangkang guluhin ito.
Ayon sa kanya, patuloy umano ang pagtutok at pag-uusap sa mga miyembro ng bloc upang mapanatili ang kanilang pagkakaisa.
Giit pa ng senador, hindi niya pinaniniwalaan ang posibilidad na may “maghuhudas” o biglang tatalikod sa kasalukuyang mayorya.
Matatandaang noong Mayo 13 nabuo ang bagong Senate majority bloc na nagbunsod sa pagkakahalal ni Senate President Alan Peter Cayetano bilang lider ng Mataas na Kapulungan.
Binubuo ang bloc ng 13 senador, kabilang si Senador Ronald dela Rosa na kalaunan ay hindi na nanatili sa hanay ng mayorya matapos ang naturang leadership change.














