Nanawagan si Senadora Imee Marcos sa bagong liderato ng Senado sa pangunguna ni Senate President Alan Peter Cayetano na agad ipagpatuloy ng Senate Blue Ribbon Committee ang imbestigasyon kaugnay ng umano’y flood control corruption scandal.
Sa isang pahayag, iginiit ni Marcos na dapat nang buksan muli ang imbestigasyon at alisin ang anumang pagtatakip sa kontrobersiya.
“Buksan na ang Blue Ribbon Committee. Tanggalin lahat ng takip sa Flood Control Corruption,” ani Marcos.
Hinimok din niya ang Senate Blue Ribbon Committee na kasalukuyang pinamumunuan ni Senadora Pia Cayetano na ipatawag ang mga personalidad na umano’y sangkot sa isyu.
Kabilang sa kanyang binanggit ang 18 dating Marines, dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co, dating Executive Secretary Lucas Bersamin, at dating undersecretary Adrian Bersamin.
Ang panawagan ni Marcos ay kasunod ng patuloy na diskusyon sa Senado hinggil sa transparency at accountability sa mga proyekto ng gobyerno, partikular sa flood control programs na sinasabing pinagmumulan ng umano’y iregularidad.
Samantala, wala pang inilalabas na opisyal na tugon ang Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa panawagan ng senadora.














