Nakapaghain na ng piyansa sina Senador Jinggoy Estrada at dating Department of Public Works and Highways o DPWH Secretary Manuel Bonoan kaugnay ng kasong graft na isinampa laban sa kanila dahil sa umano’y anomalya sa mga proyekto ng DPWH.

Nitong Biyernes ng hapon, nagtungo sina Estrada at Bonoan sa Sandiganbayan upang maghain ng tig-₱90,000 na piyansa ilang oras matapos maglabas ng warrant of arrest ang Sandiganbayan Second Division.

Ayon kay Estrada, bahagi ito ng legal na hakbang na kanyang gagawin upang ipagtanggol ang sarili sa ilalim ng justice system. Muli rin niyang itinanggi ang lahat ng alegasyong ibinabato laban sa kanya.

Samantala, walang naging pahayag si Bonoan at agad itong umalis matapos ang paghahain ng piyansa sa Sandiganbayan.

Advertisement

Naglabas din ang Second Division ng hold departure order laban kina Estrada at Bonoan upang pigilan silang makaalis ng bansa habang dinidinig ang kaso.

Magugunitang naghain nitong Mayo 29 ang Office of the Ombudsman ng graft at plunder charges laban kina Estrada, Bonoan, at ilang opisyal ng DPWH kaugnay ng umano’y iligal na budgetary insertions at project allocations sa flood control projects noong 2025.

Samantala, hawak naman ng Sandiganbayan Fifth Division ang hiwalay na plunder case laban kina Estrada at Bonoan na itinuturing na non-bailable offense.

Advertisement