Kinuwestiyon ni Senador Jinggoy Estrada ang umano’y mabilis na pag-usad ng mga kasong isinampa laban sa ilang miyembro ng majority bloc sa Senado kasunod ng pagpapalit ng liderato sa Mataas na Kapulungan noong Mayo 11.

Ayon kay Estrada, napansin umano niya ang sunod-sunod at mabilis na pagsasampa ng mga kaso laban sa ilang senador mula nang maupo si Senador Alan Peter Cayetano bilang Senate President kapalit ni Senador Vicente “Tito” Sotto III.

Bukod sa kanyang kinakaharap na plunder at graft case, binanggit din ni Estrada na ikinakasa umano ang mga kaso laban kina Senador Chiz Escudero, Senador Joel Villanueva, at Senador Rodante Marcoleta.

Matatandaang naghain ang Office of the Ombudsman ng kasong plunder at graft laban kay Estrada kaugnay ng umano’y P573 million kickback mula sa flood control projects, kung saan wala ring inirekomendang piyansa sa kaso.

Advertisement

Mariing itinanggi ng senador ang mga alegasyon at iginiit na gagamitin niya ang lahat ng legal remedies upang kuwestiyunin ang mga isinampang kaso laban sa kanya.

Ayon pa kay Estrada, may mga ebidensyang hindi umano nabigyan ng sapat na konsiderasyon kabilang ang liham mula sa Senate Legislative Budget Research and Monitoring Office o LBRMO na nagsasabing wala siyang ginawang budget insertions sa 2025 national budget.

Iginiit din ng senador na hindi umano siya nabigyan ng sapat na pagkakataon upang suriin ang mga resolusyon ng Department of Justice at Office of the Ombudsman bago naisampa ang kaso, bagay na aniya ay nakaapekto sa kanyang karapatan sa due process.

Advertisement