Kinumpirma ni Senador Panfilo “Ping” Lacson nitong Linggo na may mga hakbang na isinasagawa upang palitan ang liderato ng Senado habang kasalukuyang naka-convene ito bilang impeachment court para sa paglilitis kay Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni Lacson na “confirmed” ang mga pagkilos para palitan si Senate President Alan Peter Cayetano at ipalit si Senador Sherwin Gatchalian bilang bagong lider ng Mataas na Kapulungan.
Ayon kay Lacson, layunin ng naturang hakbang na magkaroon ng “fresh start” sa Senado sa gitna ng kasalukuyang political tension.
Ipinunto niya na si Gatchalian ay isang “fresh face” na aniya ay walang kinikilingang paksyon at maaaring magsilbing praktikal na pagpipilian para sa bagong liderato.
Sinabi rin ni Lacson na sinusuportahan ng isang bloc na binubuo ng 11 senador ang naturang pagbabago, at itinutulak si Gatchalian bilang bagong Senate President.
Kabilang sa mga sumusuporta sa hakbang ang ilang miyembro ng minority bloc na muling sumusubok makabawi ng liderato matapos ang pagbabago noong Mayo 11.
Giit pa ni Lacson, may epekto ang posibleng leadership change sa impeachment proceedings dahil maaaring maapektuhan ang committee chairmanships at legislative priorities ng Senado.
Gayunman, nilinaw niya na ang layunin ng grupo ay hindi para impluwensyahan ang resulta ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, kundi para sa “rebuilding” ng institusyon.
Samantala, sinabi ng House prosecution panel na hindi maaapektuhan ang kanilang presentasyon ng ebidensya sakaling magkaroon ng pagbabago sa liderato ng Senado, dahil nananatiling internal na usapin ito ng Mataas na Kapulungan.
Patuloy namang inaasahan ang pagsisimula ng impeachment trial sa Hulyo 6, habang may nakatakdang deadline si Vice President Sara Duterte na magsumite ng tugon sa writ of summons hanggang Hunyo 1.














