Nilinaw ni Senador Lito Lapid na mananatili siya sa minority bloc ng Senado matapos kumalat ang mga espekulasyong lilipat umano siya sa majority bloc.
Ginawa ni Lapid ang pahayag matapos siyang hindi makasuporta sa mosyon ni Senador Juan Miguel “Migz” Zubiri na alisin sa Senate record ang umano’y “propaganda video” ni Senadora Imee Marcos kaugnay ng isyu ng Charter Change o Cha-cha.
Sa plenary session nitong Martes, Mayo 26, iginiit ni Lapid na walang katotohanan ang mga lumalabas na balita sa social media na lumipat na siya sa majority bloc.
“Kaliwanagan lang po. Manifestation lang. Tungkol po sa nangyari kahapon, marami pong kumakalat sa social media na ako’y lumipat na sa majority, hindi po ’yon totoo,” ani Lapid.
“Nananatili po ako sa minority group at hindi po ako aalis dito,” dagdag pa niya.
Ipinaliwanag din ng senador na sinusuportahan niya ang mosyon ni Zubiri ngunit hindi lamang siya nakapagsalita sa tamang pagkakataon dahil inakala niyang magkakaroon pa ng botohan sa usapin.
Kasabay nito, nanawagan si Lapid ng pagkakaisa sa loob ng Senado sa gitna ng umiinit na sigalot sa pagitan ng ilang senador.
“Hiling ko lang po sana sa Senado, magkaisa tayo, iwasan ang bangayan,” pahayag niya.
Binanggit din ni Lapid na marami umanong pari ang dumalo sa Senado kaya hiniling niyang ipagdasal ng mga ito ang pagkakaisa ng mga senador upang maibalik ang dangal ng institusyon.














