Ikinokonsidera sina Senador Rodante Marcoleta at Sen. Pia Cayetano bilang posibleng mamuno sa Senate Blue Ribbon Committee (BRC), ayon kay Senate President Alan Peter Cayetano.
Ayon kay Cayetano, hindi lamang isyu ng umano’y iregularidad sa flood control projects ang tututukan ng komite, kundi pati ang mga insidente kaugnay ng putukan sa Senado at ang naging papel ng National Bureau of Investigation (NBI) dito.
Nilinaw niya na wala pang pinal na desisyon kung sino ang uupo bilang chair ng BRC, dahil napagkasunduan ng bagong majority bloc na hindi awtomatikong maghahati-hati o mag-aangkin ng mga komite ang mga senador, at pag-uusapan muna ito nang sama-sama.
Samantala, inamin ni Cayetano na dumaan siya sa matinding pressure sa kanyang pananatili bilang Senate President sa mga nakalipas na linggo, ngunit sa tulong umano ng Diyos ay napanatili niya ang suporta sa kanyang liderato.
Dagdag pa niya, may mga pagtatangka umanong baguhin ang balanse ng kapangyarihan sa Senado, na sinasabayan ng mga usapin sa komite at iba pang isyung pampulitika.














