Ipinagtanggol ni Senador Robin Padilla si Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa gitna ng usapin kaugnay ng warrant of arrest mula sa International Criminal Court at iginiit na dapat pa rin nitong magampanan ang tungkulin bilang senador sa pamamagitan ng online o remote attendance.
Sa isang Facebook post, sinabi ni Padilla na hindi dapat ituring na kriminal ang isang halal na opisyal hangga’t wala pang pinal na hatol laban dito.
Binigyang-diin ng senador ang prinsipyo ng presumption of innocence at sinabing may mandato si Dela Rosa mula sa taumbayan matapos itong makakuha ng malaking bilang ng boto noong 2025 senatorial elections.
Ayon pa kay Padilla, dapat payagang makapagtrabaho si Dela Rosa para sa publiko kahit sa pamamagitan ng online participation sa mga sesyon ng Senado.
“Gamitin ang technology para magampanan niya ito,” ani Padilla.
Si Dela Rosa ay nananatiling nahaharap sa banta ng pag-aresto matapos maiulat na target siya ng warrant mula sa ICC kaugnay ng war on drugs noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Matatandaang pansamantala itong nagpakita sa Senado noong Mayo 11 bago muling mawala sa publiko matapos sumailalim sa protective custody ng Senado.
Kalaunan ay umalis din si Dela Rosa sa gusali kasama si Padilla matapos ang shooting incident sa loob ng Senado.
Samantala, nananatiling hati ang Majority at Minority bloc sa Senado hinggil sa panukalang payagan ang online attendance at teleconferencing sa mga sesyon ng Mataas na Kapulungan.














