Isinusulong sa Senado ang mga panukalang magtatapat sa rank classification at compensation ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) at Bureau of Fire Protection (BFP) sa Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) bilang bahagi ng reporma sa public safety sector.
Tinalakay sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang panukalang reporma na layong tugunan ang matagal nang problema sa jail management system ng bansa, kabilang ang siksikan sa mga kulungan, kakulangan sa pondo, at hindi magkakatulad na pamantayan.
Ayon kay Senador JV Ejercito, layunin ng mga panukala na lumikha ng mas organisado at unified na sistema ng detention facilities sa buong bansa upang mas maging epektibo ang pamamahala sa mga bilangguan.
Sinabi rin niya na sa ilalim ng panukala, aayusin ang rank structure at itataas ang sahod ng mga tauhan ng BJMP at BFP upang maipantay sa kanilang mga katapat sa PNP at AFP, na matagal nang isinusulong bilang reporma sa kanilang hanay.
Ayon kay Senador Raffy Tulfo, magbibigay-daan ang panukala upang maipantay ang ranggo ng mga pinuno ng BJMP at BFP sa mga opisyal ng pulisya at militar, na magpapalakas sa institutional parity ng mga ahensya.
Nakabatay ang mga panukala sa Republic Act 9263 na nag-professionalize sa BJMP at BFP, ngunit itinutulak ang pag-update nito upang umayon sa mas bagong rank structure ng PNP sa ilalim ng Republic Act 11200.
Kabilang din sa reporma ang planong ilipat sa BJMP ang pangangasiwa ng mga provincial at sub-provincial jails upang mapag-isa ang pamantayan sa operasyon at mapabuti ang serbisyo.
Suportado naman ng Department of the Interior and Local Government ang panukala, na nagsabing makatutulong ito upang punan ang operational gaps at palakasin ang mga institusyon ng public safety.
Samantala, sinabi ng mga opisyal ng BFP na ang kanilang kasalukuyang rank system, na mahigit tatlong dekada nang umiiral, ay hindi na angkop sa kasalukuyang saklaw at bigat ng kanilang tungkulin.
Nakapaloob din sa panukala ang transition plan para sa jail integration, kabilang ang tatlong taong palugit sa paglilipat ng mga pasilidad at tauhan, habang tinitiyak ang job security ng mga maaapektuhang empleyado alinsunod sa kwalipikasyon at pamantayan ng serbisyo.














