Inakusahan ni Senate President Alan Peter Cayetano ang administrasyong Marcos ng umano’y pananakot sa ilang miyembro ng Senate majority upang mapilitang lumipat sa minority at makabuo ng panibagong liderato sa Senado.

Sa kanyang livestream nitong Biyernes, sinabi ni Cayetano na handang ilabas ng ilang senador ang ebidensya ng umano’y pagbabanta upang mapigilan ang pagbuo ng isang “independent Senate.”

Ayon kay Cayetano, wala umano silang problema kung mapapatunayang guilty o hindi guilty ang isang senador sa korte, ngunit mali aniya kung ginagamit ang banta ng kaso upang pilitin ang mga mambabatas na lumipat ng panig.

Giit pa niya, may mga alegasyon umanong pinapangakuan ang ilang senador na hindi kakasuhan kung lilipat sa ibang grupo, habang ang mga mananatili umano sa kasalukuyang majority ay haharap sa mga reklamo.

Advertisement

Sinabi rin ni Cayetano na sa unang pagkakataon mula 2022 ay nagkaroon umano ng majority bloc at Senate President na walang impluwensya o basbas mula sa Malacañang.

Samantala, itinanggi naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang alegasyong nakikialam ang Malacañang sa pagpili ng Senate President.

Mula sa Tokyo, sinabi ng Pangulo na ang pagpili ng Senate President ay eksklusibong desisyon ng mga senador at hindi ng Malacañang.

Sa gitna ng sigalot sa Senado, ilang miyembro ng majority bloc ang nahaharap sa mga kasong kriminal kabilang si Senador Jinggoy Estrada na kinasuhan ng plunder at graft kaugnay ng umano’y flood control anomalies.

May mga reklamo rin umanong kinakaharap sina Senador Francis Escudero, Joel Villanueva, at Rodante Marcoleta, na mariin namang itinatanggi ng mga ito.

Advertisement