Naghain sina House Speaker Faustino “Bojie” Dy III at House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos ng panukalang Children’s Social Media Safety Act, na naglalayong magpataw ng multang aabot sa P50 milyon laban sa mga social media platform na mabibigong sumunod sa mga itinakdang pamantayan para sa kaligtasan ng mga bata sa internet.
Sa ilalim ng panukala, hindi papayagang gumamit ng social media ang mga batang may edad 12 taong gulang pababa. Samantala, ang mga kabataang nasa edad 13 hanggang 17 ay maaari lamang magkaroon ng access sa mga naturang platform kung may pahintulot at patuloy na pangangasiwa ng kanilang mga magulang o legal na tagapag-alaga.
Inaatasan din ng panukala ang mga social media platform na magpatupad ng mahigpit na age verification measures, parental controls, at mga mekanismo upang maprotektahan ang mga kabataan laban sa mapaminsalang online content.
Bukod dito, maaaring patawan ng pansamantalang restriksyon o tuluyang ipagbawal ang operasyon sa Pilipinas ng mga platform na mapatutunayang paulit-ulit at malubha ang paglabag sa mga probisyong nakasaad sa batas.
Ayon sa mga may-akda ng panukala, layunin nitong higit pang palakasin ang proteksyon sa mga bata sa digital na espasyo at isulong ang ligtas, responsable, at angkop na paggamit ng social media ng mga kabataan.












