Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tuluyan nang naapula ang malawakang sunog sa sanitary landfill sa Navotas na tumagal ng ilang linggo mula nang magsimula ito noong Abril 10.
Ayon sa Pangulo, naging matagumpay ang operasyon dahil sa tuloy-tuloy na pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno at pribadong sektor upang masugpo ang sunog at maprotektahan ang mga komunidad na apektado.
Kabilang sa mga tumulong sa operasyon ang mga bumbero, lokal na pamahalaan, environmental teams, Department of Public Works and Highways, Department of Transportation, at iba pang ahensya ng gobyerno.
Ayon pa sa Pangulo, nakatulong din ang suporta ng pamahalaan ng Japan sa pag-apula ng sunog.
Bagama’t kontrolado na ang insidente, inatasan ni Marcos ang mga kinauukulang ahensya na ipagpatuloy ang 24/7 monitoring sa lugar, kabilang ang air at water quality testing, thermal scanning upang matiyak na wala nang hotspots, at health monitoring para sa mga residente at responders.
Matatandaang hindi na operational ang landfill mula pa noong Agosto ng nakaraang taon matapos mag-expire ang prangkisa nito, bagama’t nilinaw ng lokal na pamahalaan ng Navotas na hindi nila pag-aari ang pasilidad.
Nagdulot ang sunog ng makapal na usok na umabot sa ilang bahagi ng Metro Manila at mga karatig-lalawigan gaya ng Obando.
Samantala, sinabi ng Department of Environment and Natural Resources na nakikipag-ugnayan ito sa Office of the Solicitor General para sa posibleng pagsasampa ng kaso laban sa mga maaaring managot sa insidente.
Patuloy namang iniimbestigahan ng Department of the Interior and Local Government kung sino ang dapat papanagutin kaugnay ng naturang sunog.














