NAGA CITY-Mahigit kalahating milyon na ang patong sa ulo ng suspek sa nangyaring massacre sa Barangay Tarusanan, Milaor, Camarines Sur.

Mababatid na umakyat sa limang magkakapamilya ang namatay habang isa naman ang nasa kritikal na kalagayan matapos pagbabarilin at pasabugan.

Sa pahayag ni Milaor Mayor Anthony Reyes sa isinagawang press conference hinggil sa nasabing kaso, sinabi nito na magbibigay ng P100,000 ang lokal na pamahalaan ng nasabing bayan para sa mga makakapagturo sa kinaroroonan ng suspek na ngayon ay apat na araw nang tinutugis ng mga awtoridad.

Bukod dito, naglaan rin ng P500,000 na pabuya si dating Congressman Rolando “Nonoy” Andaya.

Una rito, nagbigay na rin ng burial assistance ang TGP partylist sa mga naulilang pamilya.

Dagdag pa ng alkalde, personal rin itong nagbigay ng tulong sa pamilya ng mga biktima.

Samantala, nakafull alert status na Police Regional Office – 5 gayundin ang Naga City Police Office sa pagtugis sa suspek na kinilalang si Arthur De Leon na kamag-anak rin ng mga biktima.

Itinuturing kasing armado at mapanganib ang suspek dahil kasama nito sa pagtakas ang M16 rifle na ginamit sa karumal-dumal na krimen.