Naaresto ang isang hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Barangay Buluang, Baao, Camarines Sur nitong gabi ng Abril 22, habang nakatakas ang kanyang kasabwat at umabot sa ₱27,200 ang halaga ng hinihinalang shabu na nasamsam.

Kinilala ang naarestong suspek sa alyas na “Yayad” o “Kamatayan,” matapos ang matagumpay na operasyon na isinagawa ng Baao Municipal Police Station sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Camarines Sur sa Young Dreamers Street.

Nakatakas naman ang kanyang kasabwat na si alyas “Jet” at patuloy pang pinaghahanap ng mga awtoridad.

Nasamsam sa operasyon ang ilang heat-sealed sachet na naglalaman ng hinihinalang methamphetamine hydrochloride o shabu, pati na ang marked buy-bust money. Ang mga ito ay agad na inimbentaryo at dinokumento alinsunod sa itinakdang mga proseso.

Advertisement

Isinagawa ang buy-bust operation sa ilalim ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng mga awtoridad laban sa ilegal na droga sa lalawigan.

Ayon sa pulisya, patuloy ang kanilang operasyon laban sa ilegal na droga at hinihikayat ang publiko na makipagtulungan upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa komunidad.

Advertisement