Dumaan ang isang Gabon-flagged oil tanker na kauna-unahang non-Iranian vessel sa Strait of Hormuz mula nang ipatupad ang mahina at pansamantalang ceasefire sa pagitan ng Iran at United States, batay sa datos ng maritime tracking services.
Ayon sa MarineTraffic data, ang tanker na MSG ay dumaan sa nasabing mahalagang shipping lane noong Huwebes habang kargado ng humigit-kumulang 7,000 tonelada ng fuel oil mula sa United Arab Emirates at patungong Aegis Pipavav sa India.
Sa kabila nito, sinabi ng Kpler, isang maritime monitoring firm, na hindi pa ganap na muling nagbubukas ang ruta dahil limitado pa rin ang daloy ng barko sa lugar.
Mula nang magsimula ang dalawang-linggong truce noong Miyerkules, dalawa lamang na Iran-flagged tankers at anim na bulk carriers ang naitalang dumaan sa Strait of Hormuz, na itinuturing na isa sa pinakamahalagang ruta ng langis sa mundo.
Ang mabagal na paggalaw ng trapiko sa lugar ay nagpapakita na nananatili ang pag-iingat ng mga barko at kumpanya sa gitna ng patuloy na tensyon sa rehiyon.
Patuloy na mino-monitor ng mga maritime authorities ang sitwasyon habang nakaabang ang pandaigdigang merkado sa posibleng epekto nito sa supply ng langis at presyo ng enerhiya.














