NAGA CITY- Nagpapatuloy ngayon ang manhunt operation ng mga otoridad laban sa driver ng van na nakabangga sa isang tricycle na nagresulta sa pagkamatay ng lima katao sa Barangay Sta Rosa, Mulanay, Quezon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMaj. Joselito Araja, hepe ng Mulanay PNP, sinabi nitong matapos ang aksidenete, agad na tumakas ang hindi pa nakikilalang driver ng van at iniwan ang kanyang mga pasahero na maswerte namang walang nasaktan.

Una rito, ayon kay Araja, skay ng isang tricycle ang apat na miembro ng pamilya Reymundo at patungo sana sa San Andres, Quezon.

Ngunit pagdating sa nasabing lugar nang biglang nawalan ng kontrol ang driver ng van sa minamaneho nito na nakikipagkarera umano sa isa pang van, dahilan para kainin nito ang linya ng tricycle na nauwi sa banggaan ng dalawang sasakyan.

Dahil sa malalang tama na tinamo ng naturang pamilya at driver ng tricycle, agad na binawian ng buhay ang mga ito.