Pinaputok ng Estados Unidos ang kauna-unahang Tomahawk mid-range missile sa Tacloban City bilang bahagi ng Balikatan Exercise sa Pilipinas, ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP).
Kinumpirma ni AFP Spokesperson Colonel Dennis Hernandez na ginamit ang Typhon Mid-Range Capability missile system upang maglunsad ng Tomahawk land attack missile mula Tacloban City, Leyte bandang 12:12 ng madaling araw noong Martes.
Tumama ang missile sa target area sa Laur, Nueva Ecija dakong ala-1 ng madaling araw, matapos maglakbay ng tinatayang 630 kilometro.
Ayon kay Hernandez, isang missile lamang ang pinakawalan sa naturang live-fire exercise. Ipinaliwanag din niya na ang Tacloban ay itinuring na angkop na lokasyon dahil sa kakayahan nitong magsagawa ng long-range missile launch patungo sa target area.
Ang aktibidad ay bahagi ng mas malawak na training scenario sa ilalim ng Joint Pacific Multinational Readiness Center (JPMRC), na isinama sa taunang Balikatan exercises.
Sinabi rin ng AFP na ang naturang missile system ay dati nang ipinakita sa mga nakaraang SALAKNIB exercises ngunit ngayon lamang ito aktuwal na pinaputok habang patuloy na sinasanay ang mga personnel sa paggamit nito.
Samantala, kinondena ni House Deputy Minority Leader at ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio ang pagpapaputok ng missile, at binigyang-diin na nakababahala ang paggamit ng Tacloban Airport bilang launch site.
Ayon kay Tinio, hindi ito dapat ituring na ordinaryong military exercise at tinawag itong “alarming escalation,” lalo’t isang civilian facility ang ginamit sa naturang operasyon.














