Kinuwestiyon ni Vice President Sara Duterte ang umano’y pananahimik ng ilang civil society groups, religious leaders, at mga mambabatas kaugnay ng alegasyon na may mga maletang naglalaman ng pera na ipinamahagi sa ilang indibidwal.
Ayon kay VP Duterte, tila “nakakabingi” ang katahimikan ng ilang grupo na dati umanong mabilis maglabas ng pahayag sa mga isyu ng korapsyon, transparency, at moralidad.
Ang pahayag ng Bise Presidente ay kaugnay ng alegasyon ng 18 dating Marines na naghatid umano sila ng mga maleta ng pera sa ilang indibidwal sa utos umano ng dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co.
Iginiit ni Duterte na hindi dapat piliin lamang kung sino ang iimbestigahan sa mga alegasyon ng korapsyon at hindi rin dapat manahimik kapag ang mga sangkot ay malapit sa kapangyarihan.
Samantala, mariin nang itinanggi ng Malacañang at iba pang personalidad na nadawit sa isyu ang mga paratang, habang sinabi naman ng International Criminal Court (ICC) na ang kanilang mga aktibidad ay pinopondohan ng kanilang sariling pondo.












