NAGA CITY- Dead on Arrival ang isang welder matapos na pagbabarilin sa Sitio High Lander, Brgy Lutucan 1 , Sariaya, Quezon.

Kinilala ang biktima na si Limuel Driz, 30-anyos, residente ng nasabing lugar.

Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang nagcecellphone ang biktima sa labas ng kanilang bahay nang dumating ang suspek na si Alyas Jerson, 44-anyos, residente rin naturang lugar at hinahanap ang kapatid ng biktima na si Sherwin Driz.

Dito naman nagkaroon ng mainit na diskusyon sa paggitan ng suspek at biktima na naging rason upang bumunot ng baril si Alyas Jerson at pinagbabaril si Limuel.

Dahil sa pangyayari nagtamo ng sugat sa iba’t ibang parte ng kaniyang katawan ang biktima na agad rin sanang dinala sa ospital upang gamutin ngunit sa kasamaang palad idineklara rin itong dead on arrival ng mga doktor.

Samantala, nakuha rin sa lugar ng insidente ang limang fired cartridge cases ng caliber 9mm na baril. Habang agad ring tumakas ang suspek matapos na isagawa ang krimen.

Isa rin sa tinitingnan na motibo sa krimen ay ang dahil sa selos.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad sa naturang insidente lalo na ang pagtukoy sa posibleng kinalalagyan ng nasabing suspek.