Iginiit ni Justice Secretary Frederick Vida na hindi “impossible” ang patuloy na pagtugis sa puganteng dating kongresista na si Zaldy Co, na iniuugnay sa umano’y malversation ng bilyon-bilyong pisong pondo para sa flood control projects, kasabay ng pakikipag-ugnayan ng pamahalaan sa mga awtoridad sa Europa.
Sa isang pahayag nitong Linggo, sinabi ni Vida na nagpapatuloy ang koordinasyon ng Pilipinas sa mga opisyal sa Europa, kabilang ang pakikipagpulong sa Ministry of Justice ng Czech Republic, upang mapabilis ang paghahanap at posibleng pagpapauwi kay Co sa bansa.
Ibinahagi rin ng kalihim na isinama niya sa panalangin ang tagumpay ng misyon ng pamahalaan habang dumadalo sa misa sa Church of Our Lady Victorious at The Infant Jesus of Prague sa Czech Republic.
Si Co, na dating chair ng House Appropriations Committee, ay umalis ng bansa noong kalagitnaan ng 2025 para umano sa medical check-up ngunit hindi na nakabalik matapos masangkot sa alegasyon ng iregularidad sa pag-apruba ng pondo para sa flood control projects.
Nauna nang kinansela ng pamahalaan ang kanyang pasaporte kasunod ng mga paratang mula sa ilang contractor at opisyal ng gobyerno na nag-uugnay sa kanya sa umano’y anomalya.
Samantala, nilinaw ng mga awtoridad na hindi pa kumpirmado ang mga ulat hinggil sa umano’y pagkakaaresto ni Co sa Czechia.
Sa kabila nito, tiniyak ni Vida na mananatili siyang nakatuon sa mandato ng Department of Justice.
“Kapag hindi na natin kaya, hihingi tayo kay Lord ng tulong,” ani Vida, na iniuugnay rin ang kanyang mensahe sa temang “Good Shepherd” na tumatalakay sa paghahanap sa nawawalang tupa.














