NAGA CITY – Sugatan ang isang lalaki matapos na makabangga ang isang bus sa barikada sa kalsada sa Gumaca, Quezon.
Kinilala ang biktima na si Roger Jaraba Buban, 63-anyos, residente ng Brgy. Binambang sa nasabing bayan.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na habang binabaybay ng bus na minamaneho ni Axel Butad Arnaiz, 52-anyos, residente ng Sugod Southern, Leyte ang kalsada patungo sa Manila ng senyasan ito ng biktima na nakaduty sa lugar bilang flagman na pansamantalang tumigil dahil sa road rehabilitation.
Ngunit hindi umano agad nakapagpreno si Arnaiz na naging dahilan upang mawalan ito ng kontrol sa minamanehong bus at makabangga sa barikada sa kalsada na naging dahilan rin upang matamaan nito ang biktima.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan ang biktima na agad namang dinala sa ospital para sa asistensya medikal.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang isinasawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente.