Iniulat ng Department of Migrant Workers (DMW) nitong Miyerkules ang ligtas na pag-uwi ng 25 overseas Filipinos mula sa Israel at Lebanon sa gitna ng nagpapatuloy na kaguluhan sa Middle East.
Ayon sa DMW, ang mga napa-uwi ay binubuo ng 14 caregiver mula Israel at 11 household service worker mula Lebanon na dumating noong Abril 21 sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sa Pasay City.
Ang kanilang repatriation ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng mga Pilipinong apektado ng krisis sa Middle East.
Pagdating sa bansa, tumanggap ang mga OFW ng paunang tulong mula sa DMW at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), kabilang ang financial assistance, pansamantalang tirahan, at transportasyon.
Hinimok naman ni DMW Assistant Secretary Francis Ron De Guzman ang mga repatriated OFW na samantalahin ang mga programa ng gobyerno para sa reintegration, tulad ng livelihood assistance, employment facilitation, at iba pang serbisyong makatutulong sa kanilang muling pagsisimula sa Pilipinas.














