NAGA CITY – Sugatan ang isang menor de edad matapos aksidenteng mabundol ng isang motorsiklo sa Brgy. Camambugan, Libmanan, Camarines Sur.

Kinilala ang biktima na isang 3-anyos batang babae, residente ng nasabing lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PSSgt. Emy Rose Organis, tagapagsalita ng Libmanan Municipal Police Station, sinabi nito na habang tumatawid ang biktima sa kalsada ng aksidente itong mabundol ng motorsiklo na minamaneho ni Jayson Mendez, 27-anyos, residente ng Brgy. Uson, Libmanan, Camarines Sur.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na dahil sa naturang insidente napadapa ang biktima sa sementadong kalsada dahilan para magtamo ito ng sugat sa kaniyang katawan na agad namang dinala sa ospital para sa asistensya medikal.

Samantala nabatid din na lumabasa lamang ang ama ng biktima para bumili ng feeds at pinaniniwalaan na naiwan nitong nakabukas ang gate dahilan para makalabas din ang bata.

Sa ngayon, nagdesisyon naman ang kapamilya ng biktima na huwag nang magsampa ng kaso laban kay Mendez ngunit hiniling na lamang ng mga ito na makipagtulungan lalo na sa pagpapagamot sa bata.