NAGA CITY-Patay ang tatlong indibidwal habang sugatan naman ang pitong iba pa sa nangyaring karambola ng tatlong sasakyan sa Tiaong, Quezon.
Kinilala ang mga biktima na binawian ng buhay na sina alyas Leo, menor de edad, residente ng Hilutungan, Kawayan; alyas Angelou, menor de edad, residente ng Pasiagon; at si Guillermo Catamco Jr.
Kinilala naman ang mga sugatan na sina Nasser Fajardo Lominog, 33-anyos, residente ng Mabini Palanas; Lenie Delos Reyes Dizon, 52 anyos, residente ng Hilutungan, Kawayan; alyas Sandy, menor de edad, residente ng Brgy. San Roque, Esperanza; alyas Jean, menor de edad, residente ng Pio V. Corpuz; Rex Escuña Cañete, 27-anyos, residente ng Libas, Plaser; Eric Atienza, 51-anyos, residente ng Mintac, Cataingan; at si alyas Roshan, isang menor de edad, residente ng Magsalingit, Milagros sa lalawigan ng Masbate.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office, napag-alaman na binabagtas ng SUV na minamaneho ni Francus Catalla Ramos, 34-anyos, residente ng Manambrag San Andres, Catanduanes, at ng isang van na minamaneho naman ni Emgee Catalla Compuesto, 19-anyos, residente ng Brgy. Tubog, Pio V. Corpuz, Masbate, ang southbound direction habang patungo naman sa northbound direction ang pampasaherong bus na minamaneho ni Anthony Sambrano Nazareno, 34-anyos, residente ng Manambrag, San Andres, Catanduanes.
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, napag-alaman na nag-overtake ang van na minamaneho ni Compuesto sa SUV na minamaneho naman ni Ramos, dahilan upang masagi nito ang sasakyan na minamaneho ni Ramos, dito naman nabangga ang bus na minamaneho ni Nazareno.
Dahil sa pangyayari binawian ng buhay ang tatlong pasahero ng van habang nagtamo naman ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang katawan ang pitong iba pa.
Sa ngayon, muling nagpaalala ang mga awtoridad na maging maingat sa pagmamaneho at palagiang i-check ang mga sasakyan bago magbyahe upang maiwasan ang mga kahalintulad na aksidente.