Naaresto ang tatlong Pilipino matapos umanong magpasa ng sensitibong impormasyon tungkol sa resupply missions ng Pilipinas sa West Philippine Sea sa mga ahente ng China, ayon sa National Security Council.
Sinabi ni NSC spokesperson Cornelio Valencia na nakompromiso ang ilang datos kaugnay ng rotation at resupply operations ng Pilipinas sa West Philippine Sea, bagay na maaaring maglagay sa panganib sa mga tauhan na nagsasagawa ng mga misyon sa luga
Ayon kay Valencia, itinuturing na bahagi ng operational security ang impormasyon tungkol sa resupply missions dahil ang paglalantad nito ay maaaring makapinsala sa kaligtasan ng mga personnel na naka-deploy sa karagatan.
Gayunman, nilinaw ng opisyal na limitado lamang ang saklaw ng naipasa umanong impormasyon at agad na isinara ng mga awtoridad ang mga channel na ginamit sa pagpapadala ng datos.
Nauna nang inihayag ng pamahalaan ang pagkakaaresto sa ilang Pilipino na pinaghihinalaang sangkot sa espionage na may kinalaman sa isang seryosong usapin ng pambansang seguridad.
Dalawa sa mga suspek, na nakipag-usap sa Reuters sa kondisyong hindi ibubunyag ang kanilang pagkakakilanlan, ang umaming nagpasa ng impormasyon tungkol sa deployments, resupply missions at personnel rotations sa West Philippine Sea.
Ayon sa isa sa kanila, nakuha niya ang impormasyon mula sa isang koneksyon sa Philippine Coast Guard at ipinadala ito sa kanyang handler gamit ang isang espesyal na telepono. May nakatagong messaging platform umano ang telepono na nabubuksan sa pamamagitan ng code na inilalagay sa isang Tetris game.
Sinabi rin ni Valencia na nakikipagtulungan na ang mga suspek sa mga security service ng pamahalaan at umamin na sa kanilang ginawa, kabilang ang pagbubunyag kung paano sila na-recruit at kung anong impormasyon ang kanilang naibahagi.
Samantala, itinanggi ng Ministry of Foreign Affairs of China ang paratang at iginiit na wala pang malinaw na ebidensya na magpapatunay sa akusasyon.
Sa hiwalay na pahayag ng isa pang suspek, sinabi nitong unang inalok siyang magsulat ng opinion articles kapalit ng bayad habang siya ay junior staffer pa sa Department of National Defense. Kalaunan, lumawak umano ang hinihinging impormasyon hanggang sa detalye tungkol sa sitwasyon sa South China Sea at sa ugnayan ng Pilipinas sa mga kaalyadong bansa tulad ng United States.
Ayon sa mga analyst, karaniwan sa foreign intelligence operations ang ganitong paraan ng pagre-recruit kung saan nagsisimula sa consultancy o writing work bago humantong sa paghingi ng sensitibong impormasyon.
Dahil dito, isinusulong ngayon ng ilang mambabatas mula sa administrasyon at oposisyon ang pagrepaso sa mga umiiral na batas laban sa espionage upang masaklaw ang mga bagong banta tulad ng cyber-related activities kahit sa panahon ng kapayapaan.













