Iniulat ng civil society coalition na Atin Ito na isang barko ng China Coast Guard ang namataan na sumusubaybay sa Philippine civilian mission patungong Pag-asa Island sa West Philippine Sea ngayong Biyernes ng umaga, Mayo 1.
Ayon kay Atin Ito spokesperson Emman Hizon, bandang 7:20 a.m. ay na-monitor ang China Coast Guard vessel na may bow number 3103 na nasa layong humigit-kumulang 3.2 nautical miles mula sa MV Kapitan Felix Oca, ang sasakyang pandagat ng Philippine civilian mission.
Nasa tinatayang 90 nautical miles mula Maynila at 60 nautical miles kanluran ng Mindoro ang Philippine vessel nang makita ang presensya ng barkong Tsino.
Nauna nang umalis noong Huwebes mula Pier 15 sa Manila South Harbor ang ikaapat na civilian mission ng Atin Ito, na binubuo ng mga volunteers, supporters, media partners, at mga miyembro ng tinatawag na West Philippine Sea bloc sa Kongreso.
Ayon kay mission commander Rafaela David, layunin ng misyon na iparating sa mga lider ng ASEAN ang panawagan na ang West Philippine Sea ay dapat ituring na zona ng kapayapaan at hindi ng militarisasyon, lalo na sa bisperas ng 48th ASEAN Summit na gaganapin sa Pilipinas.
Dagdag pa niya, kabilang din sa layunin ng misyon ang paghatid ng tulong sa mga residente ng Pag-asa Island at mga mangingisda na naapektuhan ng global oil crisis, pati na rin ang medical outreach at community concert.
Nakatakda ring magsagawa ang grupo ng jet ski flag ride bilang mapayapang paggiit ng soberanya ng Pilipinas sa lugar.
Patuloy ang tensyon sa West Philippine Sea sa gitna ng malawak na pag-angkin ng China sa halos buong South China Sea, na inaangkin din ng Pilipinas at ilang bansa sa rehiyon.
Noong 2016, nagpasya ang Permanent Court of Arbitration sa The Hague pabor sa Pilipinas at sinabing walang legal na basehan ang malawak na claim ng China, ngunit hindi ito kinikilala ng Beijing.














