Nanatiling matatag ang mga residente ng Pag-asa Island sa kabila ng patuloy na panghaharang ng mga barko ng China sa kanilang pangingisda sa mga tradisyunal na pangingisdaan, ayon kay Senador Risa Hontiveros.

Ayon kay Hontiveros, patuloy na ipinaglalaban ng lokal na pamahalaan at mga mangingisda ang kanilang kabuhayan habang sabay na isinusulong ang mas maayos na serbisyong pangkalusugan at edukasyon sa isla. Dagdag pa niya, ramdam ng komunidad ang tagumpay ng 2016 arbitral ruling na pumapabor sa Pilipinas, at isinasalin pa ito sa kaalaman ng mga kabataan.

Sa Senado, isinusulong ang West Philippine Sea Mandatory Education Bill upang palalimin ang kamalayan ng mga Pilipino hinggil sa karapatan ng bansa sa karagatan at sa kahalagahan ng pagtatanggol dito.

Samantala, lumaki ng ₱8.6 bilyon ang pondo ng Philippine Coast Guard para sa 2026 na layong palakasin ang operasyon sa West Philippine Sea, kabilang ang pagbili ng mga bagong barko at pagpapalakas ng presensya sa lugar. Itinuturing din na mahalaga ang pagtatatag ng bagong Coast Guard district bilang tugon sa patuloy na isyu sa rehiyon.

Advertisement

Bukod dito, inaasahan din ang suporta ng Simbahang Katolika sa pamamagitan ng pagtatayo ng kapilya sa isla, gayundin ang partisipasyon ng pribadong sektor at civil society groups.

Para kay Hontiveros, ang mga residente ng Pag-asa Island ay patuloy na nagsisilbing inspirasyon sa paninindigan na “West Philippine Sea, atin ito.”

Advertisement