NAGA CITY- Patay ang isang lalaking nag ja-jogging sa lungsod ng Naga matapos na aksidenteng mabundol ng kotse, kahapon, Abril 25, 2025 pasado alas singko ng madaling araw.
Kinilala ang biktima na si Catalino, isang negosyante at residente ng Concepcion Pequeña, sa nasabing lungsod.
Sa inisyal na ulat ng ng Naga City Police Office, habang an nag-ja-jogging sa kahabaan ng Magsaysay Avenue ang biktima, nang bigla na lamang itong nabundol ng kotse na minamaneho ng isang babae na kinilalang si “Gwyneth,” 22 anyos, residente ng Baliuag Viejo, Minalabac, Camarines Sur.
Naisugod pa sa pagamutan ang biktima ngunit sa kasamaang palad, idineklara itong dead on arrival ng sumuring doktor.
Samantala, nadamay ring nabundol ang isa pang biktima na nag-ja-jogging sa lugar na kinilala namang si “Christine” 32 anyos, empleyado ng gobyerno, residente ng Barangay Calauag, at nagtamo ng sugat sa katawan.
Kaugnay nito, pinaliwanag naman ng driver ng nasabing saksakyan na naantok umano ito at nawalan ng kontrol sa pagmamaneho.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Police Station No. 2 ang suspek para sa kaukulang disposisyon.