Humarap sa National Bureau of Investigation si Atty. Charlie Pascual nitong Martes upang ipaliwanag ang kanyang papel sa pag-notaryo sa mga affidavits ng 18 na umano’y dating Marines na nag-angkin na naghatid ng pera para sa dating mambabatas na si Zaldy Co.
Sinabi ni Pascual na ang kanyang pagpunta sa NBI ay upang linawin ang isyu at itama ang talaan. Aniya, siya ay duly commissioned notary public sa Las Piñas sa loob ng higit isang dekada at ang kanyang ginawa ay karaniwang notarial act lamang sa 18 affidavits. Paliwanag niya, ang tungkulin ng isang notaryo ay tiyakin na ang dokumento ay kusang nilagdaan ng mga affiants at hindi pinilit, at ang tanging ginagawa niya ay ang pag-administer ng oath.
Iginiit ni Pascual na hindi saklaw ng notaryo ang laman ng affidavit kundi ang legalidad ng paglagda rito. Ang 18 na indibidwal ay nag-angkin na nagsilbing bagmen ni Zaldy Co at naghatid ng cash-filled suitcases na may kinalaman sa kickbacks sa flood control projects sa ibang opisyal ng gobyerno.













