Walang natagpuang ebidensiya ang National Bureau of Investigation (NBI) na nagpatunay na nagkaroon ng pagdeliver ng maletang pera kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Ilocos Norte, taliwas sa pahayag ng ilang marino na sangkot umano sa naturang biyahe.
Ayon kay NBI chief Atty. Melvin Matibag, walang natagpuang flight logs ang ahensiya na magpapatunay na gumamit ng air taxi flight ang dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co upang maghatid ng pera sa bahay ng pangulo sa Ilocos Norte.
Sinabi ni Matibag na sinuri ng NBI ang mga flight record mula 2023 hanggang 2025 ngunit wala silang nakitang anumang tala ng biyahe na may kaugnayan kay Co at sa ilang opisyal na binanggit sa alegasyon.
Ang pahayag ng NBI ay taliwas sa naunang sinabi ng 18 marino na umano’y gumamit ng air taxi flight upang maghatid ng maletang pera sa pangulo.
Nauna ring iginiit ni Sgt. Belnard Tube na isinama siya ni Co sa isang biyahe patungong Ilocos Norte kung saan umano’y idineliver ang maletang pera kay Pangulong Marcos.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad kaugnay sa naturang alegasyon.














