Photo © web

Sinimulan na ng Independent Commission on Infrastructure (ICI) ang pag-turnover ng mga dokumento sa Office of the Ombudsman kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y anomalya sa flood control projects.

Dumating kahapon, Marso 12, sa tanggapan ng Ombudsman sa Quezon City ang dalawang truck ng pulisya na may dalang mga dokumentong may kaugnayan sa isinagawang imbestigasyon ng komisyon.

Dumalo rin sa tanggapan ng ahensya si ICI Executive Director Brian Keith Hosaka para sa pakikipagpulong sa mga opisyal ng Ombudsman.

Ang hakbang ay kasunod ng pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na natupad na ng komisyon ang layunin nito.

Advertisement

Matatandaang itinatag ang ICI sa pamamagitan ng Executive Order No. 94 noong Setyembre 15, 2025, na may probisyong maaaring buwagin ang komisyon kapag natupad na ang mandato nito.

Bilang isang fact-finding body, nagsagawa ang ICI ng mga pagdinig, pagtanggap ng mga testimonya, at pagsusuri ng ebidensya bago magrekomenda ng pagsasampa ng kaso sa Ombudsman o sa Department of Justice (DOJ).

Noong Pebrero 6, iniharap ng komisyon sa Malacañang ang kanilang 125-day report na nagresulta sa pagsasampa ng kaso laban sa mahigit isang dosenang indibidwal, kabilang ang dating mga mambabatas at opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Bukod dito, nagrekomenda rin ang komisyon ng pag-freeze ng mga ari-ariang nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱25 bilyon.

Sa kabuuan, nakapaglabas na ang ICI ng siyam na referral na nagrerekomenda ng kasong kriminal at administratibo laban sa 65 indibidwal, kabilang ang mga opisyal ng DPWH, Commission on Audit (COA), at ilang contractor.

Sa kasalukuyan, si ICI chairperson Andres Reyes na lamang ang natitirang miyembro ng komisyon matapos magbitiw noong Disyembre ang dalawang commissioner na sina Rogelio Singson at Rossana Fajardo.

Advertisement