Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong Biyernes na hindi lamang para sa mahihirap ang cash assistance ng gobyerno, at maaari ring makipag-ugnayan ang mga middle-class na Pilipino na dumaranas ng matinding krisis.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, ang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ay naglalayong magbigay ng agarang tulong sa sinumang nahaharap sa matinding pangangailangan, anuman ang kita.
“Akala ng maraming tao ang DSWD para lang sa mahihirap. No. Kapag ikaw ay may krisis na pinagdadaanan—medical, burial, temporary nawalan ka ng trabaho, hindi mo na mapakain pamilya mo—matungo lang kayo sa aming opisina,” ani Gatchalian sa isang panayam sa GMA Network’s Unang Hirit.
Aniya pa, kung nararanasan na ang epekto ng krisis sa pamilya, at may nagaganap na kagutuman, dapat agad na lumapit sa tanggapan ng DSWD. Sinabi rin niya na magsasagawa ng interview ang mga social worker upang matukoy kung kwalipikado ang aplikante sa cash relief assistance.
“May mga social worker tayo na mai-interview kayo. Sila ang magsasabi sa departamento na ang taong ito ay kailangan na ng social welfare,” dagdag niya.
Tinukoy ng opisyal na ang cash relief assistance ay handog ng DSWD para sa agarang tulong sa panandaliang pangangailangan ng sinumang nasa krisis.
Kasunod ang pahayag ng DSWD sa pagtaas ng presyo ng petrolyo dulot ng tensyon sa Middle East, na maaaring magdulot ng mas mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa. Para mag-apply, kailangan lamang ng isang valid na government-issued ID at patunay ng krisis, tulad ng hospital bill, funeral contract, promissory note, o dokumento na nagpapatunay ng pagkawala ng trabaho.














