Nagbabala si Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na maaaring malagay sa alanganin ang Commission on Appointments kung baguhin ang opisyal na record ng pagdinig noong Pebrero 4, na naglalaman ng kontrobersyal na pahayag ni Sen. Rodante Marcoleta tungkol sa umano’y pagsuko ng Kalayaan Island Group sa Palawan.
Ayon kay Lacson, ang pagbabago sa opisyal na tala ng pagdinig ay maaaring masaklaw ng falsification of legislative documents, na may kaukulang parusa sa ilalim ng Revised Penal Code of the Philippines, partikular sa Article 170. Pinapayagan ng batas ang pagkakakulong at multang hanggang P1.2 milyon sa sinumang magbabago ng mga dokumentong lehislatibo nang walang sapat na awtoridad.
Ipinaliwanag ng senador na saklaw ng Article 170 ang anumang pagbabago sa panukalang batas, resolusyon, o ordinansa na ipinasa sa Kongreso o sa lokal na konseho. Sa kasalukuyan, nakabinbin pa ang mosyon ni Marcoleta na baguhin ang bahagi ng record ng pagdinig at ipinadala na sa Committee on Rules ng CA para sa pagsusuri.
Samantala, ipinaabot na ni Lacson ang kanyang pangamba kay Senate President Vicente Sotto III, na kasalukuyang Chairman din ng Commission on Appointments.











