Iginiit ng Department of Foreign Affairs (DFA) na walang halaga ang 1990 document na inilathala ng Chinese Embassy sa Manila na umano’y sumasalungat sa territorial claims ng Pilipinas sa Scarborough Shoal.
Ayon kay DFA Maritime Affairs Spokesperson Rogelio Villanueva Jr., hindi dapat bigyang-pansin ang dokumentong may di-tiyak na pinagmulan at authenticity, lalo na’t ipinost ito sa social media ng mga third party na maaaring may sariling interes.
Ang dokumento na may petsang February 5, 1990, ay isang sulat ni dating Philippine Ambassador sa Germany na si Bienvenido A. Tan, Jr. kay German radio operator Dieter Löffler. Nilalaman nito na ang Scarborough Reef ay hindi kabilang sa teritoryal na soberanya ng Pilipinas, bagaman nasa loob ng 200-mile Philippine economic zone.
Nilinaw ni Villanueva na hindi lamang ang Scarborough Shoal ang inaangkin ng Pilipinas kundi pati na rin ang Kalayaan Island Group, at ito ay pinatatag sa pamamagitan ng hydrographic surveys, government correspondence, pagtanggal ng ilegal na istruktura, at paggamit ng ilang isla bilang target range ng Armed Forces of the Philippines. “Ang soberanya ay hindi lamang ipinapahayag—ito ay isinasagawa, at ginawa ito ng Pilipinas nang tuloy-tuloy at walang patid,” ani Villanueva.














