Nasawi sa edad na 67 ang beteranong pulitiko ng Iran na si Ali Larijani matapos umano itong tamaan ng airstrike ng Israel, ayon sa ulat ng Iranian media at kumpirmasyon mula sa opisyal ng depensa ng Israel nitong Martes.
Kinumpirma ni Israel Katz, Defense Minister ng Israel, na nasawi si Larijani sa isang pag-atake ng militar. Isa si Larijani sa pinakamakapangyarihang personalidad sa Iran at dating malapit na tagapayo ng yumaong Supreme Leader na si Ayatollah Ali Khamenei.
Kilalang pangunahing utak sa mga polisiya sa seguridad ng Iran, naging mahalaga rin ang papel ni Larijani sa negosasyong nukleyar ng bansa sa Kanluran, pati sa pamamahala ng ugnayang panrehiyon at pagsugpo sa mga protesta sa loob ng bansa.
Nagmula siya sa isang makapangyarihang pamilyang relihiyoso na umangat matapos ang Iranian Revolution. Naging commander siya ng Revolutionary Guards noong digmaan ng Iran at Iraq, bago humawak ng iba’t ibang mataas na posisyon sa gobyerno, kabilang ang pagiging Speaker ng Parliament sa loob ng 12 taon.
Bagama’t itinuturing na pragmatiko, nanatili siyang matatag sa pagtatanggol sa sistemang teokratiko ng Iran. Gayunman, inakusahan din siya ng Estados Unidos ng pagiging bahagi ng marahas na pagsupil sa malawakang protesta noong Enero, na ikinasawi ng libo-libong sibilyan.
Sa kabila nito, nagsulong siya ng diplomasya sa ilang pagkakataon, partikular sa usaping nukleyar, kung saan pinanindigan niyang hindi maaaring buwagin ang kakayahan ng Iran sa teknolohiyang nukleyar.
Ang kanyang pagkamatay ay nangyari sa gitna ng tumitinding tensyon sa rehiyon kasunod ng serye ng airstrike na nagsimula noong Pebrero 28. Itinuturing ang insidenteng ito bilang malaking dagok sa pamunuan ng Iran, lalo na sa gitna ng agawan ng kapangyarihan matapos ang pagkamatay ni Khamenei.
Ipinanganak si Larijani noong 1958 sa Najaf, Iraq, at lumaki sa Iran kung saan niya tinahak ang landas ng politika at seguridad, na nagpatibay sa kanyang reputasyon bilang isa sa pinakamakapangyarihang “insider” ng Islamic Republic.














