Nilinaw ng Department of Justice (DOJ) na hindi maaapektuhan ang status ni former DPWH Usec. Roberto Bernardo bilang state witness sa Witness Protection Program kahit tumestigo siya kamakailan sa Sandiganbayan.
Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, ang pahayag ni Bernardo tungkol sa umano’y pagtanggap ng “balato” mula kay former Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co ay walang direktang epekto sa kanyang pagiging state witness. Giit ni Martinez, ang mga pagbabago sa status ng isang witness ay nakabase lamang sa mga pormal na affidavit na isinusumite sa programa.
“Anuman ang magiging pahayag ni Bernardo o ng sinumang nasa ilalim ng Witness Protection Program ay ikukunsidera lamang kapag pormal na naisumite sa tanggapan,” paliwanag niya.
Dagdag pa ni Martinez, ang mga pagdinig o preliminary investigation sa ilalim ng programa ay limitado lamang sa mga salaysay na isinusumite kaugnay ng partikular na kaso, tulad ng umano’y anomalya sa flood control projects. Hindi ito nakakaapekto sa iba pang korte o kaso na wala sa saklaw ng Witness Protection Program.
Ang paglilinaw ng DOJ ay kasunod ng pag-amin ni Bernardo sa Sandiganbayan na nakatanggap umano siya ng P130 milyon mula kay Co bilang balato kaugnay ng ilang proyekto ng pamahalaan.













