Inanunsiyo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na simula Abril 1 ay kailangan nang magpakita ng National ID ang mga benepisyaryo ng social pension bago makuha ang kanilang ayuda.
Ayon sa DSWD, ang PhilSys ID o National ID na ang magiging pangunahing valid ID para sa mga tumatanggap ng Social Pension para sa Indigent Senior Citizens (SocPen). Bahagi ito ng layunin ng pamahalaan na gawing pangunahing pagkakakilanlan ang National ID sa iba’t ibang transaksyon.
Sa ilalim ng Expanded Senior Citizens Act of 2010, nagbibigay ang gobyerno ng P1,000 buwanang tulong-pinansyal sa mga senior citizen na may edad 60 pataas, lalo na ang mga may karamdaman, kapansanan, o walang sapat na kabuhayan.
Noong nakaraang taon, umabot sa mahigit 4.1 milyong matatanda ang nakinabang sa programa. Gayunpaman, nilinaw ng ahensya na hindi lahat ng senior citizen ay kwalipikado. Kabilang lamang dito ang mga walang pensyon mula sa mga ahensya tulad ng SSS, GSIS, at PVAO, walang regular na kita, hindi nanunungkulan sa barangay, at nakarehistro sa community-based monitoring system.
Para naman sa mga wala pang National ID, patuloy ang pagpaparehistro ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa daan-daang registration sites sa buong bansa. Maglalagay din ang DSWD ng registration booths sa mismong araw ng payout upang mas mapadali ang proseso.
Kung naiproseso na ngunit hindi pa natatanggap ang ID, maaaring i-check ang status ng delivery sa Philippine Postal Corporation. Samantala, magsasagawa ng house-to-house registration ang PSA para sa mga bedridden na benepisyaryo upang matiyak na sila ay makatatanggap ng kanilang social pension.












