Aprubado ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagbabagong academic calendar na maglilipat sa kasalukuyang apat na grading periods patungo sa tatlong-term system simula School Year 2026-2027 upang mas mapabuti ang kalidad ng pagtuturo at pagkatuto sa mga paaralan sa bansa.

Layunin ng bagong sistema na mabigyan ng mas mahabang tuloy-tuloy na oras ng pagtuturo ang mga estudyante at mabawasan ang pagkaantala ng leksyon dulot ng suspensyon ng klase at iba pang sabayang kaganapan.

Ayon sa Department of Education (DepEd), ang unang term ay may 54 na instructional days at 10-day assessment period, ang ikalawang term ay may 55 instructional days at 10-day assessment, habang ang ikatlong term ay may 61 instructional days at 6-day assessment. Nilalayon ng bagong sistema na maayos ang pacing ng pagtuturo, magkaroon ng structured recovery periods, at mabawasan ang fragmented lessons.

Bukod sa mga estudyante, makikinabang rin ang mga guro dahil aalis ang isang buong grading cycle at magkakaroon ng dedikadong consolidation at wellness periods para mabawasan ang pressure sa trabaho.

Advertisement

Bagaman may ilang guro at mambabatas na nag-aalinlangan sa epekto ng bagong sistema, tiniyak ng DepEd na patuloy ang konsultasyon sa mga paaralan at stakeholders upang masiguro ang maayos na implementasyon.

Inatasan din ni Pangulong Marcos ang DepEd na panatilihin ang minimum na 180-day contact period para sa mga guro at estudyante, at tiyaking susuportahan ng bagong calendar ang mga estudyanteng nahihirapan, naka-align sa semestral system ng Senior High School, at handa ang mga paaralan sa buong bansa para sa full implementation.

Advertisement