Photo © web

Nagdeklara si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng state of national energy emergency kasabay ng pagpapatupad ng programang UPLIFT upang matugunan ang epekto ng tumataas na presyo ng langis dulot ng sigalot sa Middle East.

Sa ilalim ng Executive Order No. 110, inatasan ng Pangulo ang isang whole-of-government response upang tiyakin ang sapat at matatag na suplay ng enerhiya sa bansa, habang nagbibigay suporta sa mga sektor tulad ng transportasyon, agrikultura, at maliliit na negosyo.

Ayon kay Marcos, kinakailangan ang agarang hakbang dahil sa “imminent danger” sa suplay ng enerhiya na dulot ng patuloy na tensyon sa Middle East.

Kasabay nito, inaasahang tataas ang presyo ng diesel sa mahigit P130 kada litro at gasolina sa lampas P100 kada litro, habang nagpapatuloy ang sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Advertisement

Itinatag din ang UPLIFT Committee na binubuo ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang pangunahan ang implementasyon ng mga hakbang, kabilang ang pagtiyak sa tuloy-tuloy na suplay ng fuel, pagkain, at iba pang pangunahing pangangailangan.

Inatasan ang Department of Energy na pangasiwaan ang mga hakbang para mapanatili ang suplay ng enerhiya, habang ang Department of Transportation ay magpapatupad ng mga programa tulad ng fuel subsidy at pagpapalawak ng serbisyong pampubliko.

Samantala, inutusan ang Department of Social Welfare and Development na pabilisin ang pagbibigay ng tulong sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) para sa mga apektadong sektor, kabilang ang mga tsuper, magsasaka, at manggagawa.

Pinakikilos din ang Department of Trade and Industry at Department of Agriculture upang bantayan ang presyo at suplay ng mga pangunahing bilihin at matiyak ang seguridad sa pagkain.

Layunin din ng programa na maglatag ng pangmatagalang solusyon tulad ng pagpapalawak ng paggamit ng renewable energy at electric vehicles upang mabawasan ang pagdepende sa imported na langis.

Advertisement