Photo © web

Hindi agad naglabas ng temporary restraining order (TRO) ang Korte Suprema (SC) laban sa nagpapatuloy na impeachment proceedings kay Vice President Sara Duterte. Sa halip, inatasan ang mga respondent—House of Representatives, House Committee on Justice, Senado, at ilang indibidwal—na magsumite ng komento sa loob ng 10 araw mula sa pagtanggap ng abiso, bago pagdesisyunan kung isasara o ipagpapatuloy ang kaso.

Inihain ni Duterte noong Marso 30, 2026 ang petisyon sa SC sa pamamagitan ng Fortun Narvasa & Salazar law offices, na nagsasabing ang impeachment proceedings laban sa kanya ay “unconstitutional” at maaring magresulta sa “miscarriage of justice.” Ayon sa bise presidente, tila nagiging “trial in disguise” ang ginagawang proseso ng House Committee on Justice, na aniya’y lumalabag sa tungkulin ng Senado bilang impeachment court.

Ito ang ikalawang pagkakataon na kinuwestyon ni Duterte ang impeachment complaints laban sa kanya; noong Hulyo 2025, idineklara ng SC na unconstitutional ang naunang complaint dahil sa paglabag sa one-year rule at due process.

Iginiit ni Duterte na ang mga alegasyon laban sa kanya—tulad ng maling paggamit ng confidential funds, hindi pagdedeklara ng assets, abuso sa kapangyarihan, at pagbabanta kay Pangulong Marcos—ay hindi sapat upang maituring na betrayal of public trust, graft and corruption, bribery, culpable violation of the Constitution, o high crimes.

Advertisement

Pinagsama rin ng SC ang petisyon ni Duterte sa naunang inihain ni lawyer Israelito P. Torreon laban sa House Committee on Justice. Ayon sa kanya, ang desisyon ng Korte Suprema ay “pivotal” hindi lamang sa kanyang kaso kundi sa kalidad ng demokrasya at tiwala ng publiko sa pamahalaan.

Advertisement