Inanunsyo ng Foreign Minister ng Iran na si Abbas Araghchi na mananatiling “completely open” ang Strait of Hormuz hangga’t umiiral ang ceasefire sa Gitnang Silangan, isang mahalagang hakbang para sa pandaigdigang suplay ng langis.

Sa isang post, sinabi ni Araghchi na bukas ang daanan para sa lahat ng komersyal na barko sa nasabing kipot sa buong panahon ng tigil-putukan.

Gayunpaman, hindi malinaw kung ang tinutukoy na ceasefire ay ang 10-araw na kasunduan sa pagitan ng Lebanon at Israel, o ang naunang dalawang linggong tigil-putukan sa pagitan ng Iran at United States na nagsimula noong Abril 8.

Nagbigay naman ng positibong reaksyon si Donald Trump at tinawag ang anunsyo bilang indikasyon ng pag-usad ng usapang pangkapayapaan.

Advertisement

Sa kanyang post sa Truth Social, sinabi ni Trump ang “THANK YOU!” at idinagdag na kinikilala ng Iran na ang naturang ruta ay ganap na bukas para sa malayang paglalayag.

Gayunman, nilinaw din ni Trump na mananatiling epektibo ang naval blockade ng Estados Unidos laban sa mga pantalan ng Iran hanggang sa tuluyang makamit ang pinal na kasunduan.

Ayon pa sa kanya, maituturing lamang na “100% complete” ang proseso kapag pormal nang napagtibay ang kasunduan ng dalawang panig.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi rin ni Trump na “very close” na ang isang kasunduan sa ceasefire sa Iran, kahit na ang mga naunang pag-uusap na pinangunahan ni JD Vance sa Pakistan ay hindi nagbunga ng positibong resulta.

Advertisement